masaya ang buhay
bumisita ang aking mga magulang nitong nakaraang linggo. at dahil mayroong isang salu-salo dahil sa isang panooring inaabangan ng halos buong bansa, nagtipon tipon ang mga kalalakihang manginginom dito sa amin at walang patumanggang tunggaan ang nangyari .at sa kalagitnaan nito, ako ay nakisali upang makipagkwentuhan.. habang lumalalim ang kwentuhan (na umiikot sa kwento ng buhay ng aking isang nakababatang kapatid), nakapulot na naman ako ng isang ginintuang aral mula sa aking ama. sabi nya "mga anak, maganda ang buhay. masaya ang buhay. nasasaiyo kung gusto mong tuloy tuloy kang sumaya at nasasaiyo din kung gusto mong sirain ang buhay nyo at gawing malungkot--masama".. shempre alam na dapat nating lahat ito.. pero sa pagkakataong ito, napaisip akong mabuti. hindi dahil sa hindi ako masaya sa buhay. malayo ito.. masaya ako.. wala akong gustong kumbinsihin, sinasabi ko lang ang totoo. masaya ako dahil sa kaibuturan ng puso ko, malaya ako. pero itong kalayaang ito ba ay aking isinabubuhay, o baka naman mas maraming pagkakataon na ikinukulong ko ang aking sarili sa mga rehas na ako rin lang ang may gawa?
madalang nating naiisip ang saya na nakahain sa ating harapan. madalas natin pinagtutuunan ng pansin ang mga lungkot at ang animo walang katapusang mga problema. dahil dito, hindi natin masyadong napapansin na sa kabila ng lahat ng mga pagsubok at pighati na ating nararamdaman sa ating buhay, higit na nakararami ang mga biyaya at kasiyahang ating tinatanggap sa kung sino man ang lumikha ng buhay.
madalas pala, sa aking pagninilay, na ipinagwawalang bahala ko ang maraming bagay at pagkakataon na maaari sanang nakapagbigay sa akin ng higit na kasiyahan at kapayapaan.. kaya lang, mas binigyan ko ng halaga ang mga hindi kanaisnais na mga biyas ng pighati at pagkamuhi. dahil sa mga ito, kahit na marami akong taong ninais paligayahin at tulungan, marami rin sa aking palagay ang aking nasaktan ang mga kalooban. ito marahil ang nagbibigay madalas ng bigat sa aking dibdib na hindi mahanapan ng lunas.
masaya ang buhay. mababait ang mga tao. ngunit nararapat na piliin mong mabuti ang tunay na mamahalin mo at mamahalin ka ring tunay. hindi lamang ikaw, pati na rin ang lahat ng mahal mo sa buhay, pati na rin siguro lahat ng kahinaan at kapintasan mo.. na kayang tanggapin ang buong pagkatao mo--mabuti, kasuklam suklam, nakakalito--lahat ng maaaring magamit na pang-uri ukol sa iyo..
masaya ang buhay. dapat maging masaya tayo sa kabila ng kalungkutang pabugso bugsong dumarating. masaya ang buhay. dapat nating isipin ang liwanag sa kabila ng dilim.
masaya ang buhay. kahit walang tulog sa paghahanapbuhay, nakakatuwang isipin na sa kabila ng kahit anong maisip mong masama, mayroong kapantay o humihigit pang kabutihan at kasiyahan.
masaya ang buhay. oras na para matulog ako. masaya ako. kahit malabo.

1 violent reactions:
ay malalim, at nahirapan akong intindihin. mabote naman at naapdate mo na ang blag blag mu. daming entries ah.
Post a Comment
<< back to this spaceship's home