
tanghaling tapat nang dumating kami galing probinsya. oo, medjo napahaba ang bakasyon namin nitong semana santa. kunsabagay, halos lahat ng okasyon pinalampas namin dahil sa trabaho, ngayon nga lang naman kami bumabawi.
mula myerkules santo ay nasa probinsya na ako at noon lamang hwebes santo ko napagtanto na totoong marami na talagang tradisyon ang nagbabago sa paglipas ng panahon, katulad na lamang ng panata ng aming pamilya tuwing semana santa.
tuwing semana santa, nagpapabasa ng pasyon ang aking pamilya. namulat ako sa ganitong pampamilyang tradisyon noong nabubuhay pa ang aking mga lolo at lola na ama at ina ng aking ama. noong panahon na iyon, napansin ko na wala na ang mga isang katerbang jeep na galing sa mga barrio. wala na ang mga matatandang nagbabasa ng buhay ni kristo sa mga tonong paiba iba.. nagbabago sabay ng mga pagbabago ng pahina at yugto ng buhay nitong hesus na pinapatungkulan.. wala na rin ang mga magluluto na buong araw at buong gabi na nagdadala ng mga masasarap na pagkain at salabat sa mga kumakanta. wala na ang mga nakakalulang mga litson at iba pang putaheng baboy na bawal sana sa panahong ito, ngunit inihahanda ng sagana at sarap na sarap namang kinakain ng sa mga panauhin. wala na rin ang mga malalakas na speakers na tumutulong upang marinig ng mga wala sa 'basahan' ang mga pagkantang ito..
napansin kong kami kami na lang ngayon.. pamilya at ilang kaibigan.. sala na sa alas tres ang kanta upang hindi mapuyat. wala na rin ang mga litson. inihaw at sinigang na mga isda ang nakahain. mayroon pa ring mga matamis na hinanda, pero iilang putahe na lang sa normal na mesa. wala na ang halos walang katapusang mesa ng malapiging na mga ulam at kakanin.
may naramdaman akong kakaiba.. isang saglit habang ako'y nagbabasa rin ng pasyon.. halong awa at sindak tungkol sa aking nabasang kwento ng buhay ng mama na mamamatay sa byernes santong iyon. parang may kumalabit sa dibdib ko.. ewan ko ba..naghanap na lang ako ng sigarilyo ko.. hindi ko pa kayang mag isip ng mga mahahalagang bagay sa ngayon.